Elevator Ride


Elevator Ride  

Excited kang umuwi. Walang pasok bukas.
Pagbukas ng pinto ng elevator, may nakita kang tila magkayakap.
Nakatalikod ang lalaki sa pinto kaya di mo nakilala.
Pumasok ka pa rin.

Tumingin ka sa reflection sa elevator. Sila pala. Sila pala yun...

Hindi mo na magawang lumingon o tumingin ulit sa reflection.
Ayaw mong magkatinginan kayo. Ayaw mong makita ka nila.
Sa ika-apat na palapag ka lang galing pero parang ang haba-haba ng byahe pababa.
Ang tagal-tagal.

Bumukas ang elevator. Lumabas ka.
Naglakad na parang walang nakita o nangyari.
Nanginginig ang katawan mo. Mabilis ang tibok ng puso.

Saktong tatlong linggo na rin kasi mula nang huli kayong nagkita.
Ilang buwan rin kayong ang saya-saya, ang gaan-gaan, nalimutan mong hindi nga pala s'ya sa'yo.

Napaisip ka kung napansin ka kaya n'ya sa elevator gaya ng kung paano nabaling sa'yo ang atensyon n'ya noon.
Ano kayang naramdaman n'ya na magkakasabay kayo sa elevator?
Pumayag ka namang sumabay, di ba?

Tatlong linggo ang lumipas na hindi mo alam kung gusto mo ba s'ya makita o 'wag na lang para mas madaling tuldukan.
Tatlong linggong nagtatanong kung ano na nga ba.
At ngayon makikita mo sa ganitong sitwasyon.
Mapaglaro talaga ang tadhana.


Share on Google Plus

About Jessa Acosta

0 comments:

Post a Comment

Let me know what you think! :)